Pilosopiya
Pangalawa. Kung magakakaroon ka lang naman ng kasintahan, huwag maghanap ng kyut, hindi mang-iiwan, hindi naghahanap ng kapalit at palaging masaya kapag kasama ka. Kung mga ganyang kuwalipikasyon ang gusto mo, hindi tao ang hinahanap mo. Aso. Kung gusto mo naman ng sobrang guwapo o guwapa, maganda ang katawan at magaling mag-project, paalala lang, hindi ‘to beauty contest. Buhay ‘to. Mahirap. Masalimuot. Maghanap ka ng taong handa kang samahan sa pinakamalayo ninyong mararating na magkasama. Isang tao na hindi perpekto kagaya mo. Isang tao na tunay na mahal ka at tunay na mahal mo.
Pangatlo. Ang grado sa report card ay repleksiyon lamang ng mga ginawa mo sa eskuwela. Hindi ito ang sukatan ng pagkatao mo. Hindi ibig sabihin na dahil singko ka sa Math o sa English, singko ka na rin sa buhay. Isa lang naman ang pakay mo sa eskuwela: matuto. Hindi lang ng kung ano ang Venn- Euler Diagram, thesis statement, at Inclusion Principle. Kailangan mo rin malaman kung paano madapa at tumayong muli, umiyak at magpunas ng sariling uhog. Kailangan mo rin makasanayan ang angkop na kakayanan para magtagal sa planetang ito. Halimabawa, kung paano tumawid at paano manligaw.
Pang-apat. Hindi malaking problema kung hindi mo pa alam kung ano ang gusto mong gawin sa buhay mo. Ika nga, a purpose driven life is not a purpose unto itself. Sa paniniwalang ito, hindi ang patutunguhan, kundi ang paglalakabay papunta doon ang mahalaga. Kaya lang, nasa iyo na kung ayos lang sa iyo mag-aksaya ng pera at oras dahil sa pagbabago-bago ng isip mo. Sa huling analisasyon, mas mainam na meron kang malinaw na direksyon sa buhay, pero ayos lang kung wala. Darating at darating rin yon.
Pang-lima. Huwag ka munang gumawa ng bata. Hangga’t maaari ay iwasan ang ganitong aktibidades hanggang hindi pa handa ang bulsa at kaluluwa para sa maaaring magbunga. Oo, merong condom at subok na mga paraan para maiwasan ang ganitong kataklismo (kung hindi ka pa handa), pero hindi sa lahat ng panahon at lahat ng pagkakataon sila gagana. Mabuti nang sigurado at wag na lang makiikot sa kama. Mabigat na responsibilidad ang hinahanap mo kung nagkataon, at sana ay pag-isipan ng maige ang lahat ng pwedeng mangyari. Tandaan. Hindi sapat na rason ang ‘pag-ibig’ o ang libido mo para ikulong ang sarili sa pang- habang buhay na kahihiyan (kung hindi kayo makakasal) o pagkakabagabag ng loob (kung tinakasan mo yung ina).
Pang-anim. Eto related sa pangalawa at pang-lima. Walang matalino pagdating sa pag-ibig. Sa katunayan, yung mga mahuhusay ang utak ang nabobobo dito. Siguro, dahil sanay sila na naso-solve at naiintindihan ang maraming bagay kaya’t nag-iilusyon sila na kaya nila ang mainlab. Hindi iyon ganong kasimple (makinig kay Juday!). Komplikado ang umibig at ibigin. Ang pinakamabuting maaasahan ay ang hindi maliyo sa landas na alam mong tama. Sana, kahit in-lab ka, hindi maglabo ang paningin mo at hindi kayo magkagaguhan. Huwag ka ring mangarap na walang katapusan ang inyong pagmamahalan. Estupidong pangarap yan. Kung marunong kang tumanggap at mag-alaga, matuto ka ring mag-palaya.
Pang-pito. Kung mas kumbinyente ang magsabi ng totoo, wag nang magsinungaling. Masama ang magsinungaling eh. Kaya lang, hindi dahil sa masama ito ay hindi na puwedeng gawin. Meron talagang mga sitwasyon na kailangan gumawa at gampanan ang isang kasinungalingan. Yung nga lang, matuto kang limitahan ang pagsisinungaling. Kapag nahuli ka, malaking abala kaya’t hangga’t maaari ay iwasan ito.
Pang-walo. Matuto kang pumili ng kaibigan mo. Kung lagi ka nilang hinihingan ng pabor o tulong pero hindi naman sila marunong tumanaw ng utang na loob, hindi ka nila kaibigan. Doormat ka lang. Kung imbes na palakasin ang loob mo ay ibinabagasak ka nila, hindi ka nila kaibigan. Punching bag ka lang. Mahirap makahanap ng mga tunay na kaibigan na sasamahan ka sa lahat ng pagsubok mo sa buhay. Pero, kung ang mga ‘kaibigan’ mo ngayon ay sobrang layo sa pagiging tunay, ibasura mo na sila.
Pang-siyam. Isa sa pinakamahalaga: matutong mag-flush ng toilet. Kahit saan. Kahit kailan. Parang awa mo na.
Pang-sampu. Makinig sa magulang. Uy, hindi sa sermon. Alam mo at alam ko na alam rin nating lahat na ang sermon ng nanay at tatay natin ay standardized. Ang ibig kong sabihin ay makinig ka kapag kinuwento nila ang lab layf nila nung college pa sila, o nung panahon na muntik na silang masuspend (ulit), yung grades nila nung hayskul, at kung sino yung mga kaibigan nila noon hanggang ngayon. Sa mga ganitong kuwento ka matututo sa buhay. Sa mga kuwento nila ka matututong magpahalaga. Magpasalamat. Magmahal.
Kaya, makinig ka.